|
plugin&play
Music saves our souls![]() I Knew I Loved You - Savage Garden Music Code | ||||||||
|
|
Thursday, April 29, 2010, Thursday, April 29, 2010
Bago.
Ang bilis... totoo ba 'to? Parang kailan lang, sobra-sobra ang pananabik ko para mag-kolehiyo, pero ngayon gusto ko na lang talagang tumigil ang mundo. Ang oras.. ang panahon... di ko na namalayan. Parang lahat sa paligid ko ay kaybilis na nagbabago... nawawala. Napakamapagbiro ng oras, at pagod na talaga akong kalabanin ito. >.< Pero hindi naman talaga tungkol sa mga kadramahan ko ang susulat ko ngayon. Nakakapagod na kasing malungkot e, kaya napagod na rin siguro akong magsulat ng tungkol sa mga kalungkutan ko. Gusto ko lang ipakilala sa inyo (may nagbabasa pa ba ng blog ko? :D) yung mga naging parte... at sana maging parte (^^v) ng una at mga susunod ko pang taon sa kolehiyo. :) Si F. Unahin na natin si F kasi siya naman talaga siguro yung unang naging mahalaga sa'kin nung unang sem. Syempre bukod dun sa mga D. :) Sa tuwing naaalala ko lahat ng mga sinabi at ginawa ko para kay F, gusto ko talaga iumpog yung ulo ko sa pader e. Haha. Pero syempre di ko ginagawa yun, napapatawa na lang ako sa sarili ko. Hehe. Mabait siya, no doubt... at malambing. Kaya ayun, nadaan naman ako sa mga mabubulaklak niyang salita. Nakakagag* kasi e, pero di naman talaga ako nagalit sa kanya kahit na sa tingin ko minsan ay siguro dapat nagalit din ako. Pero para san pa di ba? Mukha namang okay na siya. Ang ending? Nung sumunod na sem ay wala na lahat ng uri ng komunikasyon sa pagitan naming dalawa. Sa tingin ko, "tama lang yun". :D Isa siya sa mga patunay kung gaano ka-makapangyarihan ang mga salita na kung hindi ka talaga mag-iingat ay maaari kang masaktan o makasakit dahil sa mga ito. Nasaktan ako, pero natuto na rin ako. At wala na sa'kin lahat ng yun, pati yung mga sakit. Hehe. :) Si H. Ang pinaka-stylish kong kaibigan. Ang swerte ko talaga dito, siya kasi yung naging partner ko sa 2ne1. Hehe. Lalo na nung MP days, napatunayan kong napakaswerte ko dahil may D akong kaibigan. Nun ko na naman napatunayan na laging may mas magandang plano si God para sa'tin. :) Pinakita sa'kin ni God na may kaibigan pa kong handang umintindi at dumamay sa'kin kahit di ko na hilingin pa mula sa taong yun. Mukha lang tong mataray, pero hanep sa bait e. :) At may pagka-sensitive din minsan, para ngang immature pa to e. Hehe, biro lang. Salamat talaga D. Sana di ka lumipat. Hmp. Si K. Malapit ko na atang maging idol 'to e. :) Haha, imba kasi. :) Pero syempre iba pa rin si idol. Haha, biglang ganun. Galing nito, di lang sa acads, lalo na sa pakikitungo sa ibang tao. Napaka-friendly at matulungin talaga. :) Na-iinspire ako dito, ginamit niya kasi yung isang di magandang pangyayari na yun para bigyan ang sarili niya ng pagkakataon na maging mas magaling at mas malakas pa.:) Kahanga-hanga talaga. At saka gusto ko yung ugali niya na lagi lang nakangiti. Nakakahawa e.:) \m/ You really rock. \m/ Si B at L. Sila yung dalawang nahiwalay sa D. Siguro ganun talaga, may mga bagay na di maiiwasan e. Ang mahalaga naman ay masaya sila pareho sa kaniya-kaniya nilang buhay. Pero nakakamiss kayo. Mga kalog 'to e, kaya masaya talaga pag kumpleto ang D. Miss na namin talga kayo. I hope the friendship still remains.:') Si K na inlababo kay K. :D Ano pa bang masasabi ko sa taong 'to? E sobrang THE BEST to. Swerte ko talaga kasi naging kaibigan ko to. Naaalala ko pa nung unang sem, di talaga ko dina-down nito. :') Si K ang pinaka-responsable sa lahat... at masasabi ko siya talaga yung pinakamabait. :) Ang dami ko ng utang dito, kaya sana balang-araw ay makabawi rin ako at makatulong sa kanya sa kahit anumang paraan. Kahanga-hanga rin ang kasipagan nito, sobra. Model student ang dating e. :) Ay K, pambihira ka talaga. Saludo ko sa'yo. Alam kong malayo talaga ang mararating mo. Sobrang salamat sa lahat-lahat-lahat. :) Si J. G. Ano kaya yung G? Haha. :D Sabi nito, pasalamat daw ako kay F kasi si F daw ang dahilan kung bakit kami nagkalapit. Well, kahit di ko na talaga maalala kung anumang kaugnayan ni F kung bakit naging malapit tayo, salamat na rin sa kanya. :) Di ko talaga alam kung bakit lahat nasasabi ko sa'yo. Para kang live journal ko. Haha. :) Pati diary ko pinapabasa ko sa'yo. Oo na, ikaw na'ng magaling. Haha. Pero seryoso, salamat a. Di ko siguro maisip kung ano na'ng nangyari sa'kin kung wala akong mapagsabihan ng mga bagay-bagay na parang sa'yo ko na lang sinasabi. Iba talaga pag may nasasabihan ka ng mga hinanakit mo o kahit ano lang. Kaya salamat sa pakikinig, sana di ka magsawa. Hehe. Pasensya na kung ang moody ko ata at lagi na lang nagdadrama. Pero mahalaga ka sa'kin, sobra. Hmm. Galingan natin. Go, J.G.! Haha. ;) At syempre, Si IDOL. Haha. Di talaga binigay kahit initial e. :D Hmmmmmm. Sabi ulit ni J.G., pasalamat ako kay F dahil kung di daw dahil sa mga nangyari sa'min ni F, di ako magkaka-idol. Pero di ako naniniwala dun, kaya di ako magpapasalamat kay F sa pagkakaroon ko ng IDOL. Haha. :D Di ko alam kung bakit ang dami-daming naiintriga kung sino ka (pati nga ikaw naintriga na e. :D) . Ngayon lang ako nagka-idol, kaya ganito ko siguro kung pano magreact pagdating sa mga bagay-bagay tungkol sa'yo. Salamat talaga. You never fail to make me feel better.:') Ewan, masaya lang ako pag may nalalaman ako tungkol sa'yo. Stalker mo ko e. Haha, biro lang. Ayoko pang sabihin sa'yo at sa iba kung sino ka dahil sa mga korni kong dahilan. Hehe. Seriously, naisip ko lang na gusto ko sanang maging close sa'yo di bilang fan mo at ikaw di bilang idol ko. I just want you to find me interesting, somehow, hopefully, as umm... a friend, or simply as me. I just really want to be a part of your life. :O Pero, mukhang di naman mangyayari yun. Hmmmmmm. Saka na... siguro nga... saka na. :') Masaya na ko sa ganito... sa ngayon.:) Yun. Sila lang naman yung mga "highlights" ng unang taon ko sa kolehiyo. Sana tuloy-tuloy na tayo hanggang sa makatapos tayo.:) Sa inyong lahat, SALAMAT! :) Sunday, March 21, 2010, Sunday, March 21, 2010
Kung pwede lang
Bata pa lang ako ay buhay na buhay na sa akin ang pangarap na lumipad. Naisip ko kasi noon na kung nakakalipad ako, madali kong mapupuntahan ang mga lugar na dapat kong puntahan. Makakasama ko agad ang sinumang nais kong makasama, lalo an ang mama ko na nasa ibang bansa pa. Napakasarap isipin na magagawa ko ang mga iyon. Ngunit tulad nga ng layo ng maaari kong marating sakaling makalipad ako ay ang layo ng katotohanang mangyayari ang pangarap na iyon. Napakarami na namang nangyari. Subalit tulad ng dati, heto pa rin ako at nalulungkot. Sinubukan ko na lahat ng alam kong paraan. Dagdag pa riyan ang mga suhestiyon ng iba, ngunit walang pagbabago. Siguro, kung nalilimos lang ang kasiyahan sa mga kalsada, matagal ko ng ginawa. Hgunit hindi, dahil ang kasiyahan ay isang desisyon, isang pagpili. Tanging ang mga sarili lang natin ang magbubukas ng daan para tumungo sa desisyong iyon. Marahil, malayo pa ako sa puntong iyon. Ngunit, mas malamang siguro na ipagpalagay ko na ayoko pa sa daang yon dahil wala pa akong mahanap na dahilan para piliin iyon. Upos na upos na ako. Lunod na lunod na ako sa dami ng mga luha na lumalabas sa mga mata ko gabi-gabi. Marahil, nagrereklamo na rin ang mga unan ko dahil lagi na lang silang nababasa ng mga pag-iyak ko. Pagod na pagod na rin akong pigilin ang bawat paghikbi, magpunas ng mga luha, piliting ngumiti. Hirap na hirap na akong umiyak sa katahimikan. At higit sa lahat... miss na miss ko na ang sarili ko. :'( Nasasaktan ako dahil hindi ko man lamang matulungan ang sarili ko. Wala akong masandalan. Awang -awa na ako sa mga mata ko, palagi na lamang silang pagod at namamaga... sa puso ko, palagi na lamang itong kumikirot. At sa sarili ko, na tila wala na atang ibang alam gawin kundi ang malungkot. Gusto ko ng kumawala sa damdaming 'to. Gusto ko ng ngumiti muli at tumawa nang totoo. Gustong gusto ko ng ibalik ang dating ako. --- Sa pagpikit ng mga mata ko at sa huling patak ng luha mula rito, inilipad ako ng aking mga gunita. Isa-isang nagbalik sa akin ang mga alaala ng masayang lumipas. Isa-isa kong nakita ang mga taong nakasama ko noon at labis na nagpasaya sa akin. At sa kalagitnaan ng animo'y pagbabalik-tanaw na nagaganap ay payapa akong pinatulog ng mundo - marahil ay para maibsan man lang kahit saglit ang sakit na nararamdaman ko. At sa paggising ko, lalong luminaw sa akin ang lahat. Wala na ang mga taong kasama ko noon sa bawat twanan at kulitan. Wala na ang mga maiinit na yakapan, ang masasayang ngiti, at ang animo'y walang katapusan na harutan. Wala na. Maging ang kaisa-isang tao na akala ko'y magtatagal ay iniwan na rin ako at ipinagpalit pa sa iba. Wala na ang nakaraan, ilang ulit ko mang hilingin na bumalik ito ay hindi na mangyayari. At sa pagkakaupo ko sa puntong iyon ay dumaloy na naman ang mga luha. Hinayaan ko ang bawat paghikbi. Gusto kong marinig ng buong mundo na malungkot ako at dalhin ng hangin ang mensaheng ito sa mga taong alam ko ay kailangan ko sa mga sandaing iyon. Subalit bigo ako, walang anino ng kahit sino na dumating. Hinayaan kong tuyuin ng hangin ang mga luha ko, hinayaan kong kumirot ng kumirot ang puso ko. Tuluyan ko nang niyakap ang kalungkutan. At nakakatawa, dahil parang ayaw na rin niya akong pakawalan. Napagtanto ko, na ito na ako ngayon - isang nilalang na balot na balot ng kalungkutan, ligaw, at tanging luha lamang ang mga kaibigan. Gusto ko ng lumipad. Naisip ko na ngayon na iba na ang dahilan ko kung bakit gusto kong lumipad - pagtakas. Gusto kong takasan ang magulong mundo ko at maglaro na lang kasama ang mga ibon sa himpapawid. Gusto kong ihiga ang hapo kong katawan sa mga ulap. Pupunta ako sa lugar kung saan may kasiyahan at susubukan kong makisaya. Hindi pala, lilipad na lang ako nang lilipad. Lilipad ako hanggang sa ako'y tuluyan ng maglaho at maging parte na lamang ng hangin - nang sa gayon ay hindi ko na kakailanganin pang magtago, wala ng makakapanin sa mga mata kong namumugto at mga pilit kong tawa. Iihip ako ng malakas sa mga taong lumimot sa akin, magpaparamdam. Ngunit siguro, maswerte na ako kung mapansin man lang nila ang pagkawala ko. Di na ako aasa. Tama, simula ngayon ay hindi na ako aasa. - - - Ipagpapalit ko lahat ng mayroon ako ngayon, kahit ano - maging ako lang ang batang humihiling na lumipad para lamang puntahan ang mga dapat niyang puntahan; para lamang makasama ang mga nais niyang makasama; at para lamang mapuntahan ang mama nyang nasa ibang bansa pa. Lahat ibibigay ko. Lahat. T.T Monday, March 8, 2010, Monday, March 08, 2010
Isang Lihim ('_')
Bumulong ako sa hangin ng isang sikreto. Hindi na ako naghintay ng kanyang tugon. Ngunit, nagkamali ako. Sumagot ito at umihip sa aking mga mata. Isa, dalawa... apat na patak. Hindi ko na namalayan at ako'y tuluyan ng umiyak. Isa o dalawang linggo... hindi ko na maalala kung gaano katagal ang lumipas na mga sandali. Pakiramdam ko'y habambuhay na akong pinaghaharian ng kalungkutan. Parang habambuhay na akong mag-isa. Napakadaling tumawa, ngumiti, at ipakita sa lahat na ayos ka lang. Pero tunay ngang mahirap dayain ang iyong sarili sa iyong pag-iisa. Buong araw mo mang tangkain na alisin sa iyong isipan ang mga bagay na nagpapalungkot sa'yo, pagdating ng gabi, kung kailan akala mo'y masasalubong mo na nang masaya ang bagong umaga, saka ka gagambalain ng lahat ng mga emosyon mo. Ang hirap matulog... at lalong mahirap salubungin ang kinabukasan nang puno ng pangamba, pag-aalinlangan... pag-iisa. Nakakapagod na. Kaya nga siguro, ang buong sistema ko na rin ang naghanap ng paraan para lumuwag-luwag naman ang kalooban ko. --- Mayroong zilyon na tulad niya sa kalangitan. Lahat sila kumikinang at nagliliwanag tulad niya. Pero siguro nga, sa paglingon ko sa kinaroroonan niya, sa pagtama ng aking mga mata sa kagandahan ng liwanag niya, tila ba ako'y napako na at ayaw nang lumingon pang muli sa iba. At nahanap ko na lang ang sarili ko sa isang banda, nakatingala sa kanyang kalayuan at patuloy siyang tinatanaw. Tumahimik ang buong mundo ko sa saglit na 'yun... at tanging ang bawat pagpintig lamang ng aking puso ang aking napapakinggan. Sinubukan kong ibaling ang sarili at interes sa iba. Subalit sadyang napakalakas marahil ng puwersa ng kalawakan at patuloy nitong binabalik ang mga mata ko sa kanya... para lang sa kanya. Sabihin na ng ibang napakababaw ko, pero ang mga ngiting 'yun, ang mga ngiting 'yun pa lang ay hulog na hulog na ako. Ituring na nila akong korni, subalit ang simpleng mga mensahe niya, bumubuo na sa araw ko - ang minsanang pagtatama ng aming mga mata, ang mga usapang hindi ko alam kung may kahulugan ba sa kanya, at ang madalas na paghampas niya sa aking braso at ang sobrang minsan na paghawak niya sa aking kanang kamay - LAHAT ITO, nagpaparupok sa akin, nagpapahina, nagpapaligaya. KUNG ALAM MO LANG... kung gaano mo ako natutulungan, kung paano mo sinusulit ang kahit isang linggong puno ng kabiguan... kung gaano ko iniingatan sa aking mga alaala ang bawat ating pagtatabi, harutan, at ang iyong pagtawa. Kung alam mo lang na sa bawat pagpikit ko ikaw ang naaaninag ko, sa bawat katahimikan, ang pagkanta mo ang naririnig ko... at kung alam mo lang kung gaano kasakit sa akin na sa bawat pagdilat ko ay walang "ikaw" na makikita ko, na sa bawat paggising sa akin ng riyalidad... nasasaktan akong aminin na imahinasyon ko lang ang lahat. At sa kalagitnaan ng lahat ng yan, kakatukin ako ng ideya ng pag-ibig. Pag-ibig? Malabo... hindi DAPAT. AYOKO. Isipin ko pa lang ay nasasaktan na ako. Hindi ko maintindihan... kaya ayun, babalik na naman ako sa kalungkutan. Subalit dumating ang araw na 'yun. Nangyari ang matagal ko ng iniwas-iwasan. Nakita ng mga mata ko lahat. Kung paano kinailangan ng mga mata niya na makita siya, makasama, at... Sinubukan kong pigilan, mabuti na lamang at nakaya ko. Pero kinailangan kong muli na mag-isa... at tila ba ipinipilit ng buo kong sistema na kailangan kong maramdaman "yun". Kailangan, hindi ko maintindihan kung bakit kapag ito na ang usapan ay tila hindi na ako makatanggi pa. Sumakit ang ulo ko... at may saglit na kirot sa puso ko na hanggang ngayo'y nagtatagal pa rin sa mga alaala ko. Pag-ibig? Hindi, marahil. AYOKO PA. WAG NAMAN SANA. Malabo. Oo, napakalabo. Bumulong akong muli sa hangin ng isang sikreto. Naghintay ako ng kanyang tugon. Ngunit nabigo ako. Siguro nga... sadyang mahirap lang ang umasa. Sunday, February 21, 2010, Sunday, February 21, 2010
Waterball
Mahilig ako sa mga regalo, 'yun nga lang, parang hindi uso sa mga kakilala ko na regaluhan ako. Madalas, ako ang nagbibigay ng kung anu-ano. Pero ayos lang, ako naman 'yung tao na hindi naghihintay ng kapalit kapag nagbigay. Ayos na sa'kin yung "Salamat" o kahit ngiti lang ng taong pinagbigyan ko, basta tanggapin niya. Dati, medyo makasarili talaga ako. Gusto ko kasi pag may binigay ako sa isang tao, dapat sa kanya lang 'yun, dapat di niya 'yun ibabahagi sa iba. Pero naisip ko na 'di tama 'yun. Kung anumang gusto ng taong 'yun na gawin sa binigay ko, ayos lang. Kung gusto niya itong itapon, ibigay na lang sa iba, o anupaman, ayos lang... basta hindi ko makita at hindi niya ibalik sa akin. Ang hindi nakikita ng mata, hindi ikinalulungkot ng puso. Sa kabilang banda, ang simpleng pagtanggap sa isang bagay na binigay mo ay makatuwiran nang ikatuwa mo - dahil kahit sa isang maliit na paraan, may tumanggap sa pagkatao mo at nagtiwala sa kung anumang maibibigay mo. :"> Kung may tatlong materyal man sa mundo na gusto kong matanggap bilang regalo, ito lang ang mga iyon: isang kuwaderno o kahit ano na magbibigay sa'kin ng inisyatibo para sulatan 'yun; isang refillable pen, para matagal kong makasama; at ang huli, isang waterball - isang waterball na may interesanteng mundo sa loob nito. Kaibigan ko talaga ang bolpen at papel. Mahilig kasi akong magsulat at magbahagi ng mga simpleng ideya at bagay-bagay. Pakiramdam ko kasi, sa pagsusulat ako pinakamalaya. Noong bata kasi ako, mahiyain talaga ako. Sa totoo lang, sa tingin ko hanggang ngayon dala ko pa rin ang ugaling 'yun. Di na nga ako sobrang mahiyain, pero sobrang malihim naman. Kapag sa personal, may mga pagkakataong ila ba nauubusan ako ng mga salita para ipahayag ang mga saloobin ko. 'Di ko basta-asta maibulalas ang gusto kong iparating at hanggang ngayon, di ko pa rin alam kung bakit ganun nga. Kaya minsan, kinakausap ko na lang ang sarili ko sa aking pag-iisa, o kaya'y sa harap ng isang salamin. Pero nabago 'yun nang nakilala ko ang dalawang kaibigan na alam kong habambuhay kong mapagkakatiwalaan. Tanggap nila ang mga ideya ko at kahit anumang saloobin ko. Ang isa'y handang ipahawak sa akin ang kanyang kakayahan at ang isa nama'y handang maging paunay sa aking mga nais iparating. Kapwa sila lagusan ng aking mga ideya; kapwa mga instrumento sa pagpapakawala ko sa aking sarili sa ideya ng minsa'y kasiyahan at kadalasa'y kalungkutan. Kapwa mga kaibigan sa pagtakas sa mga bagay na nakakaapekto sa akin lalo't tuwing ako'y nag-iisa. Subalit may mga panahong kailangan ko ng daliang solusyon sa aking kalungkutan, yung tipong isang tingin ko lang ay ayos na. At sa dinami-ami ng materyal na bagay sa mundo, tanging ang isang simpleng waterball lang ang nakakagawa nun. Hindi ko alam kung anong meron sa isang waterball at napapangiti talaga ako kapag nakakakita ako ng isa. Lalo na yung tumutunog... pakiramdam ko mapayapa ang buong mundo at ang kaluluwa ko. Marahil, gusto ko rin kasi ng isang mundong nababalutan ng tubig. Gusto ko rin itong nasa lalagyan na hugis bilog. At kung mabibigyan ako ng pagkakaon, gusto kong umiikot ang mundong iyon sa saliw ng isang musikang nagpapapayapa sa puso at isipan ng sinumang makakarinig. Isipin mo... Ang waterball mismo ang iyong mundo. Ang tubig sa loob nito ay ang buhay. Ikaw ang kung anumang nasa loob ng waterball. Ang patungan ng waterball na iyon ay ang mga paniniwala mo sa buhay at ang lahat-lahat ng tungkol sa'yo. At ang musika na iikutan ng mundo ay mismong ang buhay mo. Isang katangian ng tubig ang pagkuha sa hugis ng kinalalagyan nito. At dahil bilog ang mundo mo, nangangahulugan ito nang walang-hanggang pag-okupa sa'yo ng buhay. Iikot-ikot siya sa mundo mo, dala ang mga bagay na maaaring magpasaya o magpalungkot sa'yo. Kaya dapat matibay ang mundo mo, dahil kapag hindi mo napaglabanan ang anumang dalhin sa'yo ng buhay, lulunurin ka nito... unti-unting magdudulot ito ng bitak sa mundo mo, at kapag tuluyang hindi mo ito kinaya, wawasakin nito ang mundo mo. At tulad ng salamin ng waterball kapag nabasag, ang mundo mo ay mahirap ng ibalik sa dati upang mabuo muli. Sa proseso, ulit-ulit mong masasaktan ang sarili mo, lahat 'yun o higit pa, mag-uugat lang dahil sa hindi mo napaglabanan ang mga binigay ng buhay. Napakalaking pagka-sayang. Kaya dapat matibay din ang patungan mo, dahil ito ang pundasyon mo. Ito ang iyong mga puhunan para malabanan ang buhay. Ang mga salita mo, pananaw, ideya, at ang pagkatao mo - lahat ito tutukoy kung gaano ka katibay sa buhay mo. Ito ang magpapatatag sa'yo at ang susubok na panatilihing nasa posisyon ang mundo mo, kahit ilang ulit man itong tangkaing pabagsakin ng mga dagok ng buhay. At ang pinakamahalagang elemento ng waterball ay ikaw. Dapat kahit ilang beses na alugin ito ng humahawak sa waterball mo, dapat manatili kang nakatayo at hindi basta-bastang nagpapa-agos na lang sa buhay. Dapat may desisyon ka, dapat may paninindigan ka. At mabuti kung sa bawat pag-alog Niya sa waterball mo, makukulay na mga palamuti ang babagsak sa'yo... habang ika'y nakatayo at naninindigan pa rin. Pero sino nga ba ang may hawak sa waterball mo? Sino pa nga ba, kundi Siya. Siya ang susubok na alugin ang mundo mo paminsan-minsan. Para rin sa'yo yun, para matuto kang tumayo. Siya rin ang maglalagay ng tubig o buhay sa waterball mo at lahat ng maaaring makasama mo dun. At higit sa lahat, Siya ang pipihit ng musika sa mundo mo para umikot ito, kung gaano Niya ito kalakas pinihit, ganun katagal iikot ang waterball sa musikang ipapahiram Niya sa'yo. Sulitin mo ang sariling musika mo at subukan mong marating ang kung anumang inilaan Niyang katapusan nito para sa'yo - dahil sa dami ng waterballs na papahiramin niya ng musika, maaaring isang beses Niya lang mapihit ang iyo. :) --- Ang dai ko na namang nasabi. Haha. Ito ang nakakatuwa sa bolpen at papel e, di nila ako pinipigilan. Haha. At pagdatng sa kanila, di ako nahihiya. Mauubos at mauubos ang mga pahina sa anumang kuwaderno o sulatan. Ang panulat ko, maaari ring maubusan ng tinta para pang-refill. Pero kailanman, di ako titigil sa pagsulat. Kung kailangan ko itong isulat sa tubig ng aking waterball ay gagawin ko. Nang sa gayon, ang mga ala-ala, humalo man sa iba pang mga hatid ng ubig o buhay, mawala man sa aking gunita, dahil alam kong isinulat ko ito sa tubig ko, alam ko... patuloy silang umiikot sa akin, habang umiikot pa ang mundo ko. ^^^ GUSTO KO LANG NG WATERBALL, PASENSYA NA. -.- --patricia Sunday, December 13, 2009, Sunday, December 13, 2009
I KNOW YOU WANT ME. LOL
Nakakapagod. Lam niyo yun? Para tayong mga batang nag-aagawan sa candy. Tama na. Tigilan niyo na ang paglantad sa lahat na kayo ang naaapi at nawalan ng tinatawag niyong "dignidad". Mukhang tanga na e. Lalo na kung alam niyo naman sa mga sarili niyo na kayo at kayo ang may kasalanan ng lahat. May mga tao lang talagang nahuhuli sa sariling bibig. Malas niyo lang at madaling inet ang mga bibig niyo. Haha. >:) Okay, eto na naman ako. "Matabil na naman ang dila" - lam ko yan na naman sasabihin niyo. Sori na lang kayo, UP ako e. Kayo ba? >:D Hahaha. Speaking of UP, LOL na naman ako para sa mga taong may bagong kinakalat na issue. Wag na mag-maangmaangan, alam ko na sa lupon na naman ng mga walang magawa sa buhay(Niyo, for short) nagmula ang issue na 'to. Haha. FYI, sa impokritang nagkakalat na di ako pumasa sa UP, hayy ewan. Marunong ka ba mag-net? Google mo neng, PATRICIA BELANDO SAMSON, UPCAT RESULTS 2009, tas kung kailangan mo ng interpreter, kahit yung marunong lang umintindi ng English pwede na. :) HAHAHAHA. HINDI AKO PENDING O NASA WAITING LIST, QUALIFIER AKO. PWEDE BA? A alam ko na, siguro yung pagkakaintindi niyo sa "Degree Program With Available Slot" ay Pending. Lol na naman. :)) Nauunawaan ko kung di niyo maintindihan ang mga terminong pang-UP lang. Lol lol lol. :) Pero para maputol na ang kamangmangang pinapairal (o pinipilit lang pairalin para may bagong topic), papaliwanag ko na lang. Ibig PO sabihin nun, di ako nakapasa sa courses na pinili ko para sa isang certain na campus ng UP, na PINASAHAN ko naman, which in my case is UP MANILA. AT, wag na wag niyong mamaliit ang UPM or what. Batid sa kaalaman ng nakararami, mataas ang QUOTA para sa campus na to, higit pa sa flagship campus na sa Diliman. Di naman siguro nakapagtataka yun dahil nga UPM ang original campus. Hay naku, mag-aral ng HISTORY! :)) (Pero dapat sa inyo VALUES to the nth LEVEL EDUCATION e, or, better, REHABILITATION na lang kaya?) >:) LMAO. >:DD At ayaw niyo pa rin talagang patahimikin ang The Fog a. Haha. Go lang. Nag-eenjoy kaming PAGTAWANAN KAYO. :) Pasko na mga tsong. Patahimikin niyo na buhay namin. Wag na magpapansin, pwede ba yun? At sana, sana, SANA NGAYONG PASKO AY MAALALA NIYO LAHAT NG PANGUNGUNSINTING BINIGAY NIYO SA ISA'T ISA. AT SYEMPRE, SANA MAALALA NIYO PA RIN KAMI. :D LOL. >:D (O, napataas na naman ba kilay mo? Haha. Relax, di ko naman binanggit name mo e. :) Sige ka, mabuking na naman kayo niyan. PWAHAHAHAHA.) BLOG KO TO E? :) Saturday, October 17, 2009, Saturday, October 17, 2009
Tama lang 'to.
Sa sandaling sumakay ka rito, alam mo na sa sarili mo kung san ka patungo, kung san ka huhudyat ng pagtigil, bababa, at maglalakbay pang muli. Sigurado ako na halos lahat ng Pilipino ay nakasakay na rito - sa pinagtagpi-tagping mga piyesa at makulay na dinesenyuhan ng mga palamuti, sa jeepney. Jeep ang pinili kong paghambingan dito. Hindi bus, kotse, taxi, eroplano, barko o kung anupaman. Mula sa istruktura at gamit nito, walang duda na ito ang pinakamalapit at nababagay na itulad sa isang parte ng ating buhay - sa pag-ibig. Maghihintay ka ng sandali para sa jeep na magdadala sa'yo sa dapat mong patunguhan. Maraming mga jeep ang daraan, pero nasa sa'yo ang pagpili kung san ka sasakay. Sa sandaling sumakay ka na, kailangan mong magbayad at sabihin kung saan ka patungo. Sa paglalakbay, maghihintay kang muli. Marami kang pwedeng gawin sa loob, maaari ka ring tumanaw sa magkabilang bintana. Iba-ibang tao ang makakasakay mo at makakatabi. Ipagkakatiwala mo sa drayber ang sandaling iyon na dadalhin ka nga niya sa gusto mong marating. Sa huli, sisigaw ka ng "Para!", o kung anumang hudyat ng paghinto. Minsan lalagpas ng kaunti ang jeep. Minsan malayo pa sa destinasyon mo pag ibinaba ka niya. Anu't anuman, kakailanganin mo pa rin na maglakbay muli. Maaaring sumakay ka sa iba pang sasakyan, maglakad, o manatili sa pinagbabaan mo. Sa huli, ganun din, maglalakbay ka pang muli. Malamang sa oo, halos ganun din ang pag-ibig di ba? Sa loob-loob natin ay may nabubuhay na ideya ng isang pangarap na pag-ibig. Aminin man natin o hindi, malaking parte ng ating buhay ang nilalaan natin para rito - para sa paghihintay sa pagdating nito. Maraming mukha ng pag-ibig ang daraan, ang iba'y hihinto na nga sa harapan natin at maghihintay rin sa'ting pagsama, ngunit sa huli, may mamumukod-tangi at pipiliin natin. Pipiliin natin yung sa tingin nati'y magdadala sa'tin sa katuparan ng ideyang matagal nating binuhay sa loob natin. Pipiliin natin yung sa tingin nati'y ligtas tayo at magiging sulit ang biyahe natin. Bakit? Dahil ayaw nating masayang ang bayad natin - sa buhay, ang ating mga sakripisyo. Gusto nating sulit lahat, umayon sa lahat ng ating plano. Marami tayong makikilala sa paglalakbay natin, pero kakaunti lang ang mag-iiwan ng marka sa'tin. Pero kung minsa'y hindi tayo sumasakto sa destinasyon na gusto nating tahakin. Sisigaw tayo ng "Para!" upang tangkain na hindi mapalayo sa ating patutunguhan. Pilit nating inaabot ang mga bagay ayon sa plano. At kapag lumampas na, minsa'y naiirita tayo. Simple lang, dahil di natin nakuha ang ating gusto. Minsan din ay napapaaga ang ating pagbaba. Naranasan niyo na ba yung nakasakay na kayo sa jeep pero mapagtatanto niyo na mali pala ang sinakyan niyo? Madalas mangyari sa'kin to dati. At naulit na naman nga ngayon. Akala ko malapit na ko sa ideyang yun, sa sarili kong ideya ng pangarap kong pag-ibig. Pero nagkamali nga ako. Malayo pa ko, pero kailangan ko ng bumaba. Itigil na ang rutang iyon at maghanap ng ibang daan, ibang makakasama, ibang jeep. Sa sitwasyon ko, parang ang hirap isigaw ang "Para!". Parang ayoko. PERO DAPAT. Siguro ay nadala lang ako sa makukulay na palamuti ng jeep na 'yon. Marahil dumagdag din ang magagandang lugar na aming kasamang dinaanan. Hindi ko naisip na maaaring ang jeep na sinakyan ko ay di para sa'kin. Di ko naisip na maaaring bago ako sumakay, ay may katabi na siya at kasamang naglalakbay. Dahil pinaramdam niya sakin ang saya ng paglalakbay na 'yun. Tama nga siguro, nadala lang ako sa lahat ng matatamis na salita at pakitang gawa na yun. Kumbaga, ako lang ang naka-appreciate. At sakanya'y wala lang yun lahat, dahil noon pa pala, may kasama na siya sa jeep na yun. :| Tulad din ng pinagtagpi-tagping istruktura ng sasakyang iyon ang aking puso. Binalutan lang pansamantala ng mga palamuti, pero ang materyales ay ganun pa rin. Mapagpanggap talaga ang pag-ibig. Kung di ka talaga marunong kumilatis, paulit-ulit ka nitong maloloko, o dapat siguro sabihin ko na, paulit-ulit mo lang lolokohin ang sarili mo... at masasaktan. Kaya ito ko. Pumara na. Ngayon ay naghahanap na naman ng bagong ruta at jeep na magsasakay. Isang parte lang yun ng buhay ko, marami pang mas masasayang darating. Tama lang na bumaba na ko. At kahit paulit-ulit na lang ay ito pa rin ako - naghihintay.:) Di na para sa jeep na yun muli, kundi para sa bagong paglalakbay na naghihitay para sakin. Sa susunod ay magiging mas maingat na ko, di na ko papaloko. Sa pagbaba ko naman ay nakilala ko ang mga bago kong "kaibigan" e. Yun ang di matatawaran ng anumang halaga ng bayad na binigay ko.:) Lahat ay may dahilan. Totoo pa rin 'to.:) Monday, September 14, 2009, Monday, September 14, 2009
TBT tayo? :]
Wala talaga akong hilig sa sport, pero dahil sa ang P.E. namin ngayong unang semestre ay table tennis (TBT), para akong walang pagpipilian kundi ang kahiligan ito... kahit bahagya man lang. Normal na araw ng P.E.. Habang ang mga kaklase ko ay sobra ang excitement na maglaro ng table tennis (dalawang linggo kasi kaming walang P.E. kaya siguro ganun sila), ayun ako - tamad na tamad, walang excitement na nararamdaman. Normal na araw ng P.E. talaga para sa akin. Dahil nga sa wala akong magawa, pinagmasdan ko na lang ang mga kaklase kong maglaro. Parang ang sasaya nila. Di ko namalayan na ang tagal ko na palang nakatingin sa pinagpapasa-pasahan nilang bola. Kakaiba. Naisip ko na lang... Ang laro ng table tennis ay parang laro rin natin sa buhay - mula sa pagserve ng bola papunta sa kalaban, hanggang sa paraan na dapat mong gamitin para maibalik ito sa kalaban. Ang bola bilang ang mga mararanasan natin - pagsubok, paghihirap, problema; ang lamesa na ating ginagalawan; ikaw bilang may hawak ng laro; at ang kalaban mo bilang ang buhay mismo. Sabi noon ng Prof ko, dapat advantage para sa isang manlalaro ang pagserve ng bola. Dapat kapag binato mo ito papunta sa kalaban ay hindi na niya maibalik sa'yo para magkapuntos ka. Ganun din sa buhay 'di ba? Kung minsan, kapag hawak mo ang problema, gusto mo na lang itong ibato sa kawalan para hindi ka na mahirapan. Yun nga lang, minsan, kapag hindi pinag-iisipan ang bawat pagtira, pilit pa rin itong tumatalbog papalapit sa'yo - ibinabalik sa'yo ng iyong kalaban para subukang tirahing muli at maiwasan na ang pagkakamali. Kaya mahalaga kung papaano mo ibabato ang bola papunta sa kalaban mo para sa puntos mo: o sa riyalidad - para sa pagkatuto mo. Mahalaga rin na alam mo kung saan papatalbugin ang bola para siguradong tumalbog sa court mo at sa court ng kalaban. Puntos ng kalaban kapag hindi tumalbog sa court ng kalaban mo ang bola. Sa buhay, dapat alam mo rin kung saan at kailan ka dapat gumalaw. Walang maidudulot ang padalos-dalos na pagtira at pagpapasya. Lahat pinagtutuunan ng pansin, kahit gaano man kalaki o kaliit ang bolang ibabato sa'yo ng buhay. Kailangan maging alerto para maasinta mo ito ng tama. Dapat pantay na pag-iisip at pagpapasya ang isaalang-alang. Mahirap magkamali... at masakit makita na ang bolang sinubukan mong ilayo sa'yo ay pilit na naiiwan pa rin sa'yo. Ngunit sa laro, kailangan mo ring magpahinga. Kailangan mong mag-ipon muli ng lakas para sa mga susunod pang match... para mapag-isipan mo rin kung anong taktika ba ang gagawin mo sa susunod. At nang sa gayon, manalo ka na sa bagong hamon sa'yo ng buhay. 'Yan ang table tennis. Maraming mga katangian nito ang nagpapakita ng ilang mahahalagang parte ng buhay na dapat nating matutunan. Masarap maglaro. Pero mas masarap ang matuto habang naglalaro. 'Yan ang buhay, parang laro lang. Minsan talo, minsan panalo. Minsan matagal bago makamtan ang tagumpay, pero kaya nga may practice di ba? Lahat napag-aaralan. Mahalaga lang na wag kang basta bumigay. Wag kang basta mapagod. Ipakita mo sa buhay mo na ang mga problemang ibinabato niya sa'yo ay maibabato mo pang muli sa kanya at di na niya ito maibabalik sa'yo kailanman. At kahit hamunin ka niya ng ilan pang mga susunod na rematch, ipakita mo na kayang-kaya mo itong ipanalo - 'di dahil sa mas magaling ka na, kundi dahil MAS natuto ka na ngayon. :) O ano, laro tayong table tennis?:) Saturday, September 12, 2009, Saturday, September 12, 2009
PAG-IBIG ang itinawag nila dito.
Samu't saring kuwento na ng pag-ibig ang aking napakinggan, iba't iba ang pagpapakahulugan, kanya-kanya ring paraan ng pagtanggap. Ewan ko kung bakit, pero halos lahat yata ng nagmahal o nagmamahal, sumasang-ayon sa ideya na kakambal na ng pag-ibig ang masaktan. At oo, isa ako sa mga taong sumusuporta sa ideyang iyon. Totoo naman kasi e. Masakit magmahal. Lalo na kapag sobrang totoo... at kapag minsa'y bawal. Bawal na pag-ibig?Hmm. Oo. Siguro. Medyo. Pero, paano nga ba naging bawal? Bawal ba dahil sa paningin ng nakararami, mali? Bawal ba dahil hindi maganda ang mga naidudulot - nananakit, naninira, nakabababa ng moral at dignidad? Bawal na pag-ibig dahil taliwas sa nakagawiang mukha nito. Anuman ang gawin, matagal na kasi itong nahusgahang maging bawal - hindi pwede at lalong hindi katanggap-tanggap. Kaya siguro, maraming nababaliw sa pag-ibig, lalo na dun sa tinatawag nilang "bawal". Siguro sadyang ganun. Haha. Masaya rin kasi sigurong ipakita sa iba na hindi laging ang panig ng nakararami ang dapat sundin. Na ang moral at dignidad ay hindi dapat ibatay sa pananaw ng isang tao - higit lalo sa kanyang damdamin. Na kung minsan, hindi lahat ng nakagawiang TAMA ay habambuhay na TAMA. Kanya-kanya kasing takbo ng utak at sigaw ng damdamin. Kanya-kanyang pagpapakahulugan sa kung anong TAMA at MALI. Maaari kang mag-react, pero hindi makatwiran ang mangialam at kumontra. Hindi porket tama na sa nakararami, tama na sa lahat. Ang buhay naman ay hindi labanan ng pananaw e. Ito ay labanan ng PAGTANGGAP at PAGPAPASYA. A, basta.:) Sabi nga nila di ba, LOVE UNTIL IT HURTS NO MORE. Magmahal ka hanggang sa wala ka ng sakit na maramdaman, dahil doon lang sa panahong iyon mo matututunan ang magmahal ng higit pa.♥ Dahil sa huli't huli, masarap pa ring isipin na nasasaktan ka dahil nagmamahal ka. :) Masarap isipin na IKAW ang mas nasasaktan ... dahil IKAW ANG MAS NAGMAMAHAL.♥♥♥ --- trip ko lang ipost ulit.:) Sunday, August 30, 2009, Sunday, August 30, 2009
Di mo na ba alam kung paano? :)
Kung minsan, pakiramdam natin alam na natin ang lahat. 'Di na makikinig, 'di na manghihingi ng tulong sa iba. Pero sa proseso, matatagpuan na lang natin ang sarili natin sa isang saglit - nangangamba, nalilito, naghahanap ng mga kasagutan sa libo-libong katanungan. Bakit ganito? Bakit ganyan? Paano nangyari 'yon? Pano naging ganyan? Walang katapusan. Araw-araw bagong paglalakbay para sa mga katanungan. Ganun talaga siguro, bawat araw ay may hatid kasing bagong misteryo at tayo bilang mga nilikhang di makuntento, patuloy sa paghamon sa lahat ng nangyayaring 'di maunawaan - kahit na kung minsan, nagiging pagpapanggap na lang ang lahat. Siguro nga, mahilig ang taong magpanggap. Laging nagpipilit sa mga bagay-bagay upang palabasin na nasa ayos lang ang lahat. Minsan naman, ayaw lang talaga magpatalo, ayaw magpahuli sa sinasabing agos ng buhay. Pilit na tinatago ang lahat ng sakit, hirap, at kirot, mapakita lamang sa mundo na matatag siya, 'di matitinag ng anumang problema, makapangyarihan, at 'di mapapabagsak ninuman. Minsan nama'y nagiging pagpapanggap para sa ilang taong pinapahalagahan. Ganun din, tinatago ang sariling silakbo ng damdamin para lamang sa kapanatagan at ngiti ng mga taong 'yun. Sa huli, nababalewala ang sariling damdamin, naisasantabi ang tunay na mga nais at unti-unting nakakalimutan ang ideya ng kahit konting pagmamahal sa sarili. Bakit ba takot na takot ang taong bumagsak, makita ng iba na siya'y nahihirapan na, na siya'y may kahinaan din? Ano bang mali sa masaktan at mabigyan ng oras ang sandaling sariling pagpapalaya sa damdamin at pagpunas sa ilang patak ng luhang pilit iniiyak sa katahimikan? Bakit ba takot na takot tayong mahusgahan? Marahil, ito ay dahil sa kahinaan natin sa pagtanggap sa katotohanan. Palaging sinasabi na masakit ang katotohanan, ngunit kailan pa nakasakit ang isang bagay na nagpapalaya? Isang bagay na maaaring sagot sa lahat ng kalituhan, ngunit ayaw lamang nating tanggapin dahil hindi ito naayon sa ating sariling kagustuhan, sa kung ano ang ating inasam-asam at inasahan. Dahil hindi pa man nangyayari ang isang bagay ay may sarili na tayong ideya sa kabuuan nito, at kapag ang nangyari'y taliwas sa ideyang 'yon, masyado tayong nasasaktan, nahihirapang ilagay ang sarili sa mga susunod pang mga mangyayari. At sa isang saglit, matatagpuan na lamang ang sarili na nakakulong sa nakaraan... At pilit man nating isisi ito sa iba, alam natin sa sarili natin mismo na tayo ang may kagagawan ng lahat... At darating na lang ang panahon na maiisip natin ang lahat ng ating kamalian, maaaring sa isang banda'y huli na ito, pero walang dahilan para hindi na tayo umahon, dahil anu't anuman, sisikat pa rin ang araw, kikislap ang mga bituin, lulubog ang buwan - kailangang magsimulang muli. Ang mga nangyayari sa buhay natin ay isa lamang sa mga napakaraming posilbilidad ng ating kaganapan. Maaari mo itong baguhin, ayon mismo sa iyong kagustuhan. Maaari mo itong sayangin sa pagkabulok nito sa nakaraan, pagkahumaling sa hinaharap, at sa paglimot sa ngayon. Paulit-ulit mo mang marinig pero dapat mo pa ring isapuso, "Ikaw ang may hawak ng buhay mo. Nasa kamay mo ang bawat kaganapan nito." :) Kaya wag kang magtaka kung sa tingin mo sa ngayon ay alam mo na ang lahat subalit sa kinabukasan ay may bago kang katanungan. Dahil ganyan ang hatid sa atin ng buhay - isang malalim na palaisipan. Kung di mo alam ang sikreto sa paglangoy sa kalaliman nito, ikaw mismo ang magpapalunod sa sarili mo. Ang bawat katanunga'y tanda ng ating pagyakap sa buhay. Ang bawat mahanap na kasagutan ay isang posibilidad ng pagkatuto. Mahirap mahinto sa lakbay na ito, 'wag tayong matakot. ;] Wednesday, August 26, 2009, Wednesday, August 26, 2009
I lost my phone..:(
The hell.:( Yoko na mag-LRT.:( Pano ko sasabihin kay mama? Grr. :( Sayang iphone ko. T.T |
thedeceptionist
![]() |
partnersincrime
☺ .baby. ☺ .maurus. ☺ .issah. ☺ .mittomotto. ☺ .pam. ☺ .rhea. ☺ .excellence. ☺ .gerald. ☺ .keith ian. ☺ .predaethoraz. ☺ .excellence II. ☺ .mysteriozasz. ☺ .johnry. ☺ .carlo. backtoyesterday
+ Bago. + Kung pwede lang + Isang Lihim ('_') + Waterball + I KNOW YOU WANT ME. LOL + Tama lang 'to. + TBT tayo? :] + PAG-IBIG ang itinawag nila dito. + Di mo na ba alam kung paano? :) + I lost my phone..:( wheni'mgone
+ April 2009 + May 2009 + June 2009 + July 2009 + August 2009 + September 2009 + October 2009 + December 2009 + February 2010 + March 2010 + April 2010 takeabow
An accidentality production Inspiration from DancingSheep & BONBON:D |
theventingmachine
|
||||
